Quantcast
Channel: Louie Jon A. Sanchez » Tula
Viewing all articles
Browse latest Browse all 11

Bagong Tula: Mutyang Dilim

$
0
0

—Panonood ng Alitaptap sa Ilog Iwahig, Puerto Princesa, Palawan

Ito ang ilog ng pagpapang-abot ng tubig at langit,
Ng salaminan ng mga kutitap sa kapwa rabaw.
May talim ang dibdib ng bangka’t sanda-sandaling
Napupunit ang kalatagang pinaghihilom ng antigong
Kailaliman, at naririto kami, nakamata sa itinuturo
Ng giya—anyo ng mga palumpon, ng mga dahong
Ikinukubli ng pusikit. Ngunit sandali: ano nga
Itong parang umaandap na pagkislap sa piling
Ng mga anino at sanga? Sila ba yaong nagsisilid
Ng init sa buntot, nanginginain sa usbong, bulaklak?

Minsan, sa isang pagkakataon, sa kamay ko kumislap
Ang isa sa kanila, nahuling ligáw sa isang hardin
Ng aking kabataan. May tákot na bumalot, waring
Dilim, nang maisilid sa garapon, mistulang ipipiit
Na engkantadong mutya, at nang ganap na sumuko
Sa di matinag na guhit ng palad, nakatihayang ikinisap
Ang huling liwanag. May pangungulilang gumaba.

Ano’ng nagawa kong kabutihan at tila masusuklian
Ng sumisinghap na kariktan? Ang nakaraan ay guro
Ng masidhing pagkamausisa at palaging may násang
Mamalas ang lahat sa malapitan—nariyang gugupitan
Ang paa ng abal-abal bago paliparin habang nakatali
Sa sinulid, o pinapagot ang madidikit, manipis na sapot
Mula sa manggahan. Ano ba’ng ginawa ko sa dayo
Na tipaklong na lumapag sa braso at aking ikinagulat?

Tanging ang tinig ng giya, malumanay, mataimtim,
Ang kasaliw ng sitsit ng kuliglig. Nasasanay unti-unti,
Ang aming mga mata sa ikinukubli ng bagong buwan
Ay kaydaming natutuhan hinggil sa mga kulisap
Na itong sa malayo ngayon tinatamasa ang anyaya,
Sa sinasabing kristalinong ilog na halos walang kagalaw-
Galaw, may anong lalim na kusang nagpapatuklas,
Nakahihindik, primal, mistulang busilak na kislap
Na nakatatak hindi lamang sa puwitan ng alitaptap,
Kundi lalo’t higit sa kanilang uri, sa sangkatawan
Ng lahat ng dumarapo, namamahay, gumagapang.

Nakamalas ang mga konstelasyon, liwanag-taong
Naglalakbay patungo rito upang maging repleksiyon
Ng ningning sa ilog na itong sandaling nagpapatahan
Sa pagkamangha’t kaibhan ng mga estranghero.
Sa hudyat ng pailaw ng giya, napatitingin kami
Sa langit at marahang iginuguhit ng mga kutitap
Ang mga matandang anyong tiningala ng mga siglo;
Sa hudyat ng pailaw ng giya, napapabaling kami
Muli at muli, sa mga palumpong nasasalat ng mata,
Habang tila nagtatanghal ang mga mutyang takdang
Mamukaw, mga munting kisap ng lungti, ng pula.

Pumipihit nang pabalik ang aming bangka
Sa minulang daungan ay panay pa rin ang tibok
Ng mithing magbalik-tingin, sumamba sa hiwaga
Ng mga tangkay at talulot. Inilubog ko ang kamay
Sa tubig, siyang minsang lumapastangan sa andap,
At sa aninag ng mga tala at kalawakan, inihaplos,
Habang marahang binabaybay ng bangka ang ilog,
Ang pagmumutyang talisik sa wika ng pagwasak
Ngunit namulat muli sa ningning ng paglingap.

Enero 25, 2014



Viewing all articles
Browse latest Browse all 11

Trending Articles