
Larawang kuha mula sa ChoosePhilippines.com at The Guardian.
—Basilica Minore del Santo Nino de Cebu
Walang namutawi sa mga labì kundi tanong:
Bakit may ganitong tayog ng mga siglong
Biglaang nangaligkig, nagbitak, nadurog?
Ipinagdiriwang ng pagkakatirik ang pag-apak
Ng Niño sa lupaing ito, siyang may paang
Sugatan sa krus na itinindig dito ng pagsakop,
At bumatingaw sa buong bayan ang isang
Mahabang kasaysayang ang lagom ay dasal-
Sayaw ng mga aleng nakaabang, inaabutan
Ng sandaan upang kantahin sa may pinto
Ng dambana ang mga litanya ng hangad.
May yanig ang lupang di kilala nitong muog,
Kaiba sa bigkas ng mga mistulang binukot
Sa bakuran nito, sa kislot indak ng baywang,
Na waring gunita ng matatandang ritwal.
Sa tanging pagkakataong ito ng pagsuko
Sa anong lakas na galaw ng yuta, napulbo
Ang tikas na pagsasanib ng apog at korales,
At napabagsak ang kampana sa kalatagan,
Animo’y taingang sumasagap pa ng tibok
Upang magbantay, magbabala. Magtatagal
Itong pagkawasak, katahimikan, samantala’y
Iiral ang matagal nang malawakan, kahit pa
Nabakasan ng mga banal na paa ng labóy
Na musmos ang naangking daigdig ng babaye
Na bago siya natutuhang arugain, isinasayaw
Lahat ng papuri sa bawat dako, sa dagat,
Bato, apoy, hangin. Lohika ng mga salaysay
Ang pagbagsak ng nakatindig, at niloloob
Marahil ng lupa ang pagkislot ng mga limót
Na handurawan. Kaytagal nitong himbing
Sa pusod ng kalibutan. Wari’y bumabaling
Lamang sa sulog na masugid, nananambitan.
Pebrero 2, 2014
