
Mula sa Deviantart.Net.
Ni T.S. Eliot, Salin ng “The Love Song of J. Alfred Prufrock” ni Louie Jon A. Sanchez
S’io credesse che mia risposta fosse
A persona che mai tornasse al mondo,
Questa fiamma staria senza piu scosse.
Ma perciocche giammai de questo fondo
Non torno vivo alcun, s’i’odo il vero,
Senza tema d’infamia ti rispondo.
Kung inaakala kong binigkas ang mga tugon ko
Sa isang pabalik sa mundo,
Ang naglalagablab na dila na ito’y di na aandap.
Ngunit dahil mula sa kailalimang ito’y wala pang
Nagbabalik na buhay, kung totoo ang naririnig ko,
Tumutugon akong walang takot na mapahiya.
Tara na’t humayo, ako at ikaw,
Habang ang gabi’y nakaratay sa buong kalangitan
Na mistulang pasyenteng anestisyado sa mesa;
Tara nang magtungo sa ilang halos hungkag na kalye
At pabulong-bulong na pag-urong
Ng mga nag-aalangang gabi sa mga sandaliang mumurahing otel
At mga gusgusing restoran na gayak ang talukab ng talaba:
Sa mga kalyeng nakasunod na tila nakababagot na argumento
Na may mithing manlinlang
At nagdadala sa isang nakalilipos na tanong….
Ay, huwag nang magtanong ng, “Ano ba iyon?”
Tara na’t gawin ang pagbisita.
Sa silid na tinutunghan at nililisan ng kababaihang
Usap-usapan si Michaelangelo.
Ang dilaw-hamog na hagod ang likod sa mga salamin ng bintana,
Ang dilaw-usok na kiskis ang nguso sa mga salamin ng bintana
Na iginuguhit ang dila sa mga sulok ng gabi,
Na nanatiling nakamalas sa mga ludlod sa mga kanal,
Na hinahayaang marungisan ng bugang kusot mulang mga tsimineya,
Ay dumaan sa may terasa’t biglang lumukso,
At nang matuklasang isa iyong malamyos na gabi ng Oktubre,
Ay namaluktot agad sa bahay, at nakatulog.
At totoo ngang may oras ang lahat
Para sa dilaw-usok na lumalaboy sa kalye,
Inihahagod ang likod sa mga salamin ng bintana;
May oras, may oras na igayak ang mukha
Upang katagpuin ang mga mukhang nasasalubong;
May oras para sa pagpatay at paglikha,
At oras para sa lahat ng gawain at araw ng kamay
Na nag-aangat at nagbababa ng tanong sa iyong pinggan;
Oras para sa iyo at oras para sa akin,
At mga oras na para sa daang pag-aatubili,
At para sa daang bisyon at rebisyon,
Bago simulang namnamin ang tostado at tsa.
Sa silid na tinutunghan at nililisan ng kababaihang
Usap-usapan si Michaelangelo.
At talaga nga, may oras
Upang mamangha, “Pangangahasan ko ba?” at, “Pangangahasan ko ba?”
Kailangan nang bumalik at babain ang hagdan,
May batik ng pagkapanot sa gitna ng aking bumbunan—
(Sasabihin nila: “Numinipis na ang kaniyang buhok!”)
Ang aking abrigo sa umaga, ang kuwelyong bumabalot sa leeg
Ang aking kurbatang magara’t disente, ngunit tanghal ng payak na perdible—
(Sasabihin nila: “Ang yayat ng kaniyang mga braso’t binti!”)
Pangangahasan ko bang
Tigatigin ang uniberso?
Sa isang sandali, may oras
Para sa mga pasya’t rebisyon na babaligtarin ng isang sandali.
Sapagkat alam ko na itong lahat, alam nang lahat:
Nalaman na ang mga gabi, umaga, tanghali,
Nasukat na ang aking buhay gamit ang mga kutsarita;
Batid ko ang mga tinig na hingalo sa pagkaparam
Sa saliw ng musika mula sa malayong silid.
Kaya papaano ako magsasapantaha?
At kilala ko na rin ang mga mata, kilala ko na—
Ang mga matang huhuli sa iyo sa isang kathang kataga,
At kapag ako’y naikatha na nga, bagsak sa agam-agam,
Kapag ako’y wala nang takas at nagpupumiglas,
Papaano ko ngayon sisimulan
Idura ang lahat ng hangganan ng aking mga araw at landas?
At papaano ako magsasapantaha?
At nalaman ko na ang mga bisig, nalaman nang lahat—
Mga bisig na may purselas at maputi at lantad
(Ngunit sa may ilaw-poste, may bagsak ng buhok, tingkad-kayumanggi!)
Pabango ba iyon sa baro
Na lumiliyo sa akin upang lumigoy?
Mga bisig na nakahapay sa mesa, o binabalutan ng balabal.
At magsasapantaha ba talaga ako?
Paano ako magsisimula?
***
Sasabihin ko bang, naglakbay na ako sa dapit-hapon sa mga eskinita
At pinanood umangat ang usok mula sa mga tubo
Ng malulumbay na kalalakihang nakakamisadentro, nakasilip sa mga bintana?…
Naging isang pares ng gutay na kuko na lamang sana ako
Na lumalaboy sa sahig ng tahimik na karagatan.
***
At ang tanghali, ang gabi, ganap na nahihimbing!
Haplos ng malakandilang daliri,
Himbing… pagal… o ito’y nagsasakit-sakitan,
Nakaratay sa sahig, dito katabi natin.
Lalakasan ko ba, matapos ng tsa at kakanin at minatamis,
Ang aking loob na piliting rumurok ang sandali sa kaniyang krisis?
Bagaman nagdalamhati ako’t nangilin, nagdalamhati’t nanalangin,
Datapwa nakita kong tanghal ang ulo ko (bahagyang nakakalbo na) sa isang bandeha,
Hindi ako isang propeta—at hindi naman talagang mahalaga;
Nakita ko ang sandali ng pag-andap ng aking kadakilaan,
At nakita ko ang eternal na Bantay, hawak ang aking abrigo, humahagikgik,
At sa madaling salita, natakot ako.
At may saysay nga ba, matapos ang lahat,
Matapos ang mga tasa, ang marmelada, ang tsa,
Kasama ng tsina, kasama ng usap-usapan nating dalawa,
May napala kaya ako,
Na sinunggaban na lamang ito at ngumiti,
Na siniksik ang uniberso sa isang globo
Na pinagulong ito tungo sa isang nakalilipos na tanong,
Na sabihing: “Ako si Lazaro, bumangon mulang kamatayan,
Bumabalik upang sabihin sa inyong lahat, sasabihin ko sa inyong lahat”—
Papaano kung may isang ihihiga ang ulo sa unan
Na magsasabi: “Hindi iyan ang ibig kong sabihin;
Hindi iyan, hindi talaga.”
At may saysay nga ba, matapos ang lahat,
Talaga nga bang may saysay ang lahat,
Matapos ang mga paglubog ng araw at mga tarangkahan at mga basang kalye,
Matapos ng mga nobela, mga tasa, matapos ng mga paldang sumayad sa sahig—
At ito, at ang marami pang iba?—
Imposibleng sabihin ang aking ibig sabihin!
Ngunit wari’y tudla ng mahiwagang lampara ang ulirat sa mga sarikulay sa tabing:
Talaga nga bang may saysay ang lahat
Kung may isang nagtatabi ng unan o naghahagis ng balabal,
At tinutunghan ang bintana, at magsasabing:
“Hindi talaga ito,
Hindi talaga ito ang ibig kong sabihin, hindi ito.”
Hindi! Hindi ako si Prinsipe Hamlet, at hindi ako naitalaga kailanman;
Isa akong tagapamansag, isang katauhang
Pupugto sa pag-usad, gagawa ng isa o dalawang tagpo,
Magpapayo sa prinsipe; walang duda, isang madaling kasangkapan,
Umaalinsunod, masayang may pakinabang,
Politikal, maingat, at metikuloso;
Tigib ng dangal ang pananalita, ngunit bahagyang mangmang;
Sa ibang pagkakataon, tunay nga, halos baligho—
Madalas, halos isang Hangal.
Tumatanda ako… Tumatanda ako…
Susuutin ko ang pantalon kong nakatupi ang laylayan.
Hahatiin ko ba palikod ang buhok? Tatangkain bang kumagat ng isang melokoton?
Magsusuot ako ng manipis na puting pantalon, lalakarin ang aplaya.
Maririnig kong inaawitan ng mga sirena ang isa’t isa.
Palagay ko, hindi nila ako aawitan.
Nakita ko na silang pa-dagat, lumululan sa mga alon
Sinusuyod ang puting buhok ng daluyong na lumulutang
Kapag hinihipan ng hangin ang puti at itim na tubig.
Nanatili na tayo sa mga lungga ng dagat
Kapiling ang mga nimpang nakukuwintasan ng arosep, pula at kastanyo
Hanggang gisingin tayo ng mga tinig-tao, at malunod.
