Happy Together
Wong, hindi ka nagsasabi ng totoo.
Sapagkat sa malayong Argentina,
Dumating ang dalawang dayong lalaki
Na may pangarap makita ang dakilang
Talón, at hindi nila agad narating iyon.
Imbes, unti-unti silang nalayȏ sa isa’t
Isa at kahit ang pagtatalik ay isang
Hiwalayan ng mga katawang umuungol
Humahangos sa sakít sarap ng rurok.
Sa saliw ng tanggo, sinikap nilang
Gamutin ang mga sugat. Matikas
Madulas ang bawat pihit sa maaninong
Bar at ang usok ng sigarilyo’y
Nakasusulasok, wari’y kapwa nasàng
Hinihigop ng malumbay na pagkasawà.
Nakahahapong umasa, nakapapagod
Tiyakin ang pananatili ng kabiyak
Lalo’t sa mula’t mula’y nag-iisa ka’t
Banyagang mangingibig ng panaginip
Na lagaslas ng mga hangad na kariktan.
Papaano mo ito naatim, itong parikalang
Pumagitan sa kanilang mga higaan?
Sa salaysay mo, kaylamig ng Buenos Aires.
Balabal ang bawat nakikinitang kasawian
At ang talón na minamalas sa mukha
Ng lampara’y talaga lamang pang-isahan.
Disyembre 24, 2013
***
Media Noche
Nakasara ang tarangkahan ng bahay.
Nagpapaputok, nagpapailaw ang daigdig
Habang sa malápit ay may naghahalinhinan
Sa pagbirit ng mga usong awit ng taon.
Marahil ay talagang nakahahapo ang taon
At ang paparating, talȃ ng almanake,
Ay ang Kabayo, nagtutumuling sagitsit
Ng mga haharaping tila magpapahabol.
Sa may labas ng bintana, nagkakamót
Ang alagang aso na isinisiksik ang sarili
Sa sulok, tiyak, sa tákot sa kakatwang
Pasabog na taunan ma’y di makasanayan.
Kayhirap mang humarap sa hapag
Ng bagong taon ay kaydalisay kaytahimik
Na duláng nitong paglunggati sa pag-asa,
Matapos masaklot ng isang taóng alinlangan.
Itong Buddha sa mesa’y nangangaral,
Taimtim, nakapikit, wari’y minamalas
Sa málay ang paligid. Nagsasabi: hayaang
Madatnan ng paparating sa sandali ng bulay.
Disyembre 31, 2013
